Binisita ng aktor na si Jake Cuenca ang delivery rider na sugatan mula sa ligaw na bala sa gitna ng paghabol ng mga pulis sa kaniyang sasakyan noong nakaraang buwan.
Sa Instagram ay ibinahagi ng aktor ang personal nitong pakikipagkita sa Grab driver na si Eleazar Martinito, na base sa mga larawan ay tila nagpapagaling pa mula sa tinamo nitong pinsala.
Ayon kay Cuenca, masaya siya sa pagkakataon na madalaw si Martinito na nasaktan mula sa insidente na hindi niya malilimutan.
Taos puso naman nagpapasalamat ang aktor sa mga pulis na tumulong sa Grab rider at nagsilbi bilang tulay upang sila ay magkakilala.
Nagako naman si Cuenca na tutulong ito sa kahit anong pangangailangan ni Martinito.
Matatandaan na sinabi ni Jake na hindi siya tumigil noon nang habulin siya mula Mandaluyong hanggang Pasig City ng mga pulis dahil nakasibilyan lamang ang mga ito habang siya ay pinapaputukan.
Nanindigan rin ang aktor na hindi niya napansin na na-side swipe niya ang sasakyan ng anti-narcotics agents, na naging ugat ng nangyaring habulan.
