Isang lalaki, patay matapos malunod habang naliligo sa Malagonlong River sa Tayabas City

Patay ang isang 19-anyos na lalaki matapos nitong malunod ng maipit ang paa nito sa bato habang naliligo sa malalim na bahagi ng Malagonlong River sa Tayabas City nitong Huwebes, Mayo 30.

Sa panayam ng Brigada News FM Lucena kay FO3 Richard Edra ng BFP Tayabas, nabanggit nito na bandang alas-9 ng umaga napansin ng limang kasamahan nito wala na ang biktima kung kaya’t agarang tumawag ang mga ito ng tulong.

Bandang alas-11:00 ng umaga natagpuan ng mga tauhan ng BFP Tayabas ang katawan ng biktima na agad namang isinugod sa ospital ngunit idineklara rin itong dead on arrival.

Dagdag pa ni Edra, dayo sa nasabing ilog ang 6 na indibidwal kabilang ang biktima na mula pa sa Lucena City.

Samantala, pinaalalahanan naman nito ang mga maliligo sa naturang ilog na huwag munang maligo sa mga ilog dahil malakas pa ang agos ng tubig dulot ng nagdaang bagyo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *