Mayroon na rin umanong mga nakaabang na mga paaralan para sa batch 2 at batch 3 sa SDO Cauayan City na pagdausan ng limited face to face classes.
Ito ang inihayag ni Ms. Mary Ann Santos, ang Representative ng School Governance and Operation Division ng SDO Cauayan City kasabay ng unang araw ng pagbubukas ng klase sa Pinoma National High School.
Aniya, maliban sa limang mga paaralan na inaprubahan na ng DepEd ay isinasagawa na rin ang inspection sa mga pasilidad sa iba pang paaralan na kabilang sa unang inirekomenda ng SDO Cauayan sa DepEd Regional Office.
Karamihan umano sa mga ito ay mula sa forest region na kinabibilangan ng Dianao Elementary School, Linglingay ES, Linglingay High School, Villa Concepcion High School Rogus Extension, Casalatan High School at Sta. Luciana Elementary School.
Sinabi ni Ms. Santos na abala ngayon ang mga kawani ng SDO Cauayan sa pag-iikot sa mga paaralan para sa inspeksyon ng mga pasilidad gamit ang school safety assessment tool.
Ito aniya ang magiging basehan para irekomenda sa Regional Office na maaari nang magsagawa ng simulation para sa mga teacher, learners at parents.
Gayunman, inihayag din niya na nakadepende pa rin ang magiging desisyon sa COVID-19 situation sa isang barangay.