Sinimulan na ngayong araw, December 6, 2021ang pilot testing ng face to face classes sa mga paaralan na panibagong inaprubahan ng Department of Education (DepED) kabilang na rito ang limang eskwelahan sa lunsod ng Cauayan.
Ang Pinoma National High School ay isa sa napiling pagdausan ng in-person classes kung saan nasa 12 na estudyante bawat klase na naka-enrol sa Shielded Metal Arc Welding at Food and Beverages Services sa Grade 11 at Grade 12 ang kalahok.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Ms. Maribeth Dela Peña, ang School principal ng Pinoma National High School, sinabi niya na kabilang sa kanilang preparasyon para sa pilot testing ay ang pagsunod sa mga guidelines ng IATF.
Aniya, pinili nila ang mga estudyante na nakatira malapit lamang sa paaralan at nabakunahan na ng COVID-19 vaccine.
Nagsagawa rin sila ng survey para sa parents consent na pinapayagan ng mga itong pumasok sa paaralan ang kanilang mga anak.
Ayon kay Principal Dela Peña, napili rin ang PNHS na pagdausan ng face to face classes dahil kabilang sa strand na itinuturo rito ang Technology and Vocational Livelihood (TVL) na priority para sa practicum at workshop.
Sa pagpasok ng mga estudyante, ang mga araw ng Lunes at Martes ay para sa Grade 11 student habang ang Hwebes at Biyernes ay schedule ng Grade 12.
Inilaan naman ang araw ng Miyerkules para sa disinfection ng paaralan.
Aniya, bagaman maikli lamang ang panahon para sa preparasyon ng mga guro sa in-person classes ay naabot naman nila ang mga requirements para rito.
Samantala, ayon naman kay Sir Alex Geronimo ang representative ng Curriculum and Implementation Division, sinabi niya na apat na oras ang gugulin sa klase ng mga learners sa loob ng isang buwan.
Habang ang mga mag-aaral na hindi naisali sa pilot testing ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng online, modular, TV-based at RBI.
Aniya, sakaling magtagumpay ito ay inaasahang magkakaroon ng expansion at maibibilang din ang mga batang hindi nakasali sa pilot testing ng face to face classes sa susunod na taon.