Hinikayat ng ilang transport groups ang Department of Transportation (DOTr) na pag-isipang mabuti ang planong pagsasapribado ng EDSA Carousel Busway sa susunod na taon.
Ito ay makaraang kumpirmahin ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ipa-privatize na sa 2023 ang naturang busway para makasunod sa international bus standards, at ang pagpapahinto sa Libreng Sakay program.
Ayon kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o Piston – national president Mody Floranda, ang privatization para sa mga public utilities ay hindi naman garantiyang magiging epektibo.
Paliwanag niya, ang nararanasang krisis sa transportasyon sa Metro Manla ay resulta ng masiyadong pagdepende ng Gobyerno sa private sector.
Sabi ni Floranda – lalo lang magiging miserable ang buhay ng mga komyuter at mga mananakay kapag ipinaubaya na sa mga negosyante ang pamamahala sa EDSA Carousel dahil asahan na naman ang taas-pasahe rito.
Aniya, alam naman ng lahat na ang interes ng private sector ay pataasin ang kanilang kita habang pinabababa ang operating costs at pasahod sa mga empleyado nito. // SMM
DOTr naman, tiniyak na magiging transparent ang procurement at biding para rito
Sisigurihin ng Department of Transportation (DOTr) ang trasparency sa gagawing procurement para sa planong privatization ng EDSA Carousel Busway.
Ayon kay Transportation Usec. Mark Steven Pastor, pagtutuunan din nila ng pansin ang pagsunod sa existing rules and regulations.
Matatandaan na sinabing nakikipag-ugnayan na ang Kagawaran sa PPP Center tungkol sa gagawing feasibility study sa privatization ng EDSA Bus Carousel service.
Dagdag ng undersecretary, ang pag-aaral ay upang malaman at masiyasat kung paano ang tamang pamamaraan para maipatupad ang privatization ng naturang serbisyo. // SMM
