Nakatakdang tumestigo ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno ng Pilipinas sa isinasagawang extradition hearing laban kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. sa Timor-Leste.
Ayon kay Department of Justice Undersecretary Raul Vasquez, kasama sa mga testigo sina dating Supreme Court associate justice Francis Jardeleza, Bureau of Corrections Director General Pio Gregorio Catapang, Jr., National Amnesty Commission Chairperson Leah Tanodra-Armamento at Presidential Human Rights Committee Undersecretary Nonoy Catura.
Tetestigo ang mga opisyal sa mga alegasyon na may mahinang proteksyon ng karapatang pantao ang Pilipinas, kawalan ng patas at walang kinikilingan na mga paglilitis, banta sa kaligtasan, at banta sa pagto-torture.
Ito’y kasunod ng mga pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio, na bukod sa kanyang sarili, ay tetestigo rin para kay Teve sina dating Commission on Human Rights commissioner Wilhelm Soriano at dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
Nagpalitan ng matitinding salita sina Topacio at mga opisyal ng DOJ matapos makalaya si Teves sa maikling panahon at kalaunan ay muling inaresto sa nasabing bansa.
