Ilang kongresista, nami-miss ang presensya ni ex – HS Alvarez sa plenaryo

Nanawagan si La Union Representative Paolo Ortega kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez na magtrabaho kasama ang mga kapwa mambabatas sa halip na ubusin ang oras sa pagpapabagsak sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon kay Ortega, nami-miss na nila si Alvarez sa mga sesyon sa plenaryo pati na sa committee hearings.

Maaari naman aniyang daanin sa “constructive discussion” sa Mababang Kapulungan ang mga hinaing ni Alvarez para sa interes ng bansa.

Paliwanag ng kongresista, may karapatan sa malayang pamamahayag ang dating Speaker at ang mga nais nitong gawin basta’t hindi labag sa batas at ginagampanan niya ang tungkulin bilang miyembro ng Kamara.

Kabilang na rito ang partisipasyon sa mga sesyon at deliberasyon sa komite kaya naman banat pa ni Ortega, matagal-tagal na nilang hindi nakikita rito si Alvarez.

Tinitingala umano ng mga batang mambabatas sa Kamara ang mga nakatatanda bilang “role model” at ang kanilang presensya ay labis na hinahangad dahil sa mga matututuhan mula sa karanasan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *