Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nalaman ng Department of Environment and Natural Resources na pag-aari ng pamilya ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, na isa sa kaniyang mahigpit na kritiko, ang ilang developments sa Isla ng Boracay.
Sa ikalawang Talk to the Nation ng Pangulo ngayong linggo, ay inutos niya sa Department of Agrarian Reform na i-subject ang bawat property sa Boracay sa land reform.
Ipinunto ng Punong Ehekutibo na ang Boracay ay maituturing na forestal land kung saan ay dapat wala itong mga nakatayong bahay.

Gayunman, may mga lupa na nakuha sa Boracay para sa development, kabilang na ang pag-aari umano ng pamilya ni Carpio.
Mababatid na si Carpio ay isa sa mga convenors ng 1Sambayan, na koalisyon ng mga grupo at personalidad na naglalayon na pagka-isahin ang opposition ticket sa 2022 national elections.
Sa ginawang launching ng grupo, ay tinawag nito na “incompetent” ang administrasyong Duterte at nangako na magkakaroon ng “better alternative” na magbabalik ng good governance sa bansa.
Kabilang sa mga pinuna ng dating justice ay ang “mishandling” umano ng administrasyon sa COVID-19 Pandemic, polisiya sa South China Sea, mga hakbang na mag-aamyenda sa 1987 Constitution, at pagbabanta umano laban sa mga negosyo, media entities, at mga kritiko.