Plano ng World Health Organization na i-ship na ang 100-million doses ng Sinovac at Sinopharm COVID-19 vaccines sa katapusan ng susunod na buwan, papunta sa mga bansa sa Africa at Asya.
Ito na ang unang beses na magdedeliver ang WHO ng Chinese vaccines.
Inaasahan naman ng WHO na mapupunan ng Chinese vaccines ang mga kakulangan sa COVAX vaccine-sharing program na unang nag-pledge na magbabahagi ng 2-billion doses ngayong taon.
Nagkulang ito dahil sa limitasyon sa exports at problema sa suplay ng India, na major producer ng bakuna.

Inihayag naman ng Global Alliance for Vaccines and Immunization (GAVI), na kasama ng WHO na humahawak sa COVAX, na tinatayang nasa 10-million Sinopharm shots ang ishi-ship sa kalagitnaan ng Agosto.
Karamihan ng Chinese vaccines ay nakalaan na para sa 60 bansa, karamihan sa Africa, na inaasahang makakatanggap ng mayorya ng 100-million doses.
Gayunman, hindi lahat ng mga bansa ang pabor sa Chinese vaccines.
Ipinaliwanag ni Dr. Nicholas Crips, deputy director-general ng National Department of Health at opisyal na responsable sa pakikipag-ugnayan sa South Africa para sa COVID-19 vaccine roll-out, na hindi pa sapat ang impormasyon kaugnay sa epekto ng Chinese vaccines laban sa Delta variant, at wala rin datos ang Sinovac kaugnay sa mga populasyon na may HIV.