Nagsimula nang maglayag patungong Bajo de Masinloc ngayong umaga ang mga volunteers, media at international observers sa ikalawang civilian supply mission ng Atin Ito’ Coalition.
Pangalawang beses na itong gagawin ng Atin Ito’ Coalition matapos ang kanilang misyon noong December 2023.
Kagabi, nagsagawa ng isang misa para sa kaligtasan ng mga sasama.
Nasa 100 fishing vessels ang convoy na magsasagawa ng “peace and solidarity regatta”
Target ng Atin Ito! Coalition na maglagay ng mga bouya kung saan may nakasulat ng WPS Atin Ito.
Nauna nang sinabi ni Akbayan Party President at Atin Ito co-convenor Rafaela David na target nilang mahatiran ng tulong ang nasa 1 libong mangingisda sa kanilang civilian caravan sa Bajo de Masinloc.
Sa isasagawang supply mission ay bibigyan ng 5 kilong bigas ang mga mangingisda at food supplies bukod pa ang fuel subsidy.
Iginiit niyang hindi sila magsasagawa ng misyon sa Bajo para mag-sightseeing ng mga Chinese vessels kundi ang pagdadala ng tulong sa mga mangingisda
Samantala, mahigpit naman babantayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang aktibidad na ito ng Atin Ito Coalition sa Bajo de Masinloc
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for West Philippine Sea, Commodore Roy Vincent Trinidad, nagpadala sila ng barko para tutukan ang nasabing aktibidad
Gayunman, tumangging magbigay ng detalye si Trinidad hinggil sa distansya ng naturang mga barko ng Navy sa civilian convoy para na rin sa kaligtasan ng mga pumalaot.
Mahigpit din ang ugnayan ng AFP sa Philippine Coast Guard gayundin sa naturang grupo hinggil dito.
Una nang napaulat ang biglaang pagdami ng mga barko ng China Coast Guard gayundin ng Chinese Maritime Militia Vessel sa paligid ng Bajo de Masinloc para umano harangin ang convoy ng “Atin Ito” Coalition
#