Nasa 90% na ang utilization rate sa Intensive Care Unit (ICU) facility ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa kabila ng bahagyang bumaba na ang bilang ng mga naka-admit na pasyente sa naturang pagamutan.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, ang Hepe ng CVMC, sinabi niya na mataas ang utilization rate sa ICU beds ng hospital kung saan dinadala ang mga critical at severe patients na mayroong comorbidity o mga senior citizen.
Aniya, maliban kasi sa COVID-19 ay kailangan ding magamot ang iba nilang karamdaman gaya ng hypertension, kidney disease, diabetes at iba pa.
Sa ngayon aniya ay bahagyang bumaba ang mga tinutugunang pasyente ng CVMC mula sa dating mahigit 200 na kaso ay mayroon na lamang 186 ang naka-admit sa pagamutan.
Mula aniya sa naturang bilang 171 dito ang confirmed positive cases at 15 ang suspected cases.
Kaugnay nito ay nabawasan din ang utilization rate sa regular room ng hospital sa 70%.
Anyon pa kay Dr. Baggao, karamihan sa mga naka-admit sa hospital ay galing sa lalawigan ng Cagayan na mayroong 125 cases, 33 sa Isabela, 5 sa Batanes at ilan naman ay mula sa labas ng rehiyon.