Inihayag ng Primewater na hindi pa sapat ang ibinuhos na ulan nitong mga nagdaang araw para masigurong hindi kakapusin ang mga spring sources.
Ayon kay Branch Manager Engr. Mark Anthony Muroda mas nakatulong daw sana ito kung nagtuloy- tuloy ang pag ulan.
Aniya “runoff” lang ang ulan at wala pang infiltration sa groundwater.
Gayunman nasa normal level pa naman umano ang mga water sources at malayo pa sa critical level.
Kung sakali naman daw na umabot sa critical level ay mayroong standby well fields at malapit na ring mapakinabangan ang Alawihao source.
Maganda rin aniya ngayon ang outlook ng spring sources bagamat kapag sumasapit daw talaga ang 3rd quarter ng taon ay bumababa ang level ng mga ito.
Ibinalita rin ni Muroda na natapos na ang rehabilitation works sa Barangay 7 dito sa Daet at mag- iinject na ng tubig sa Bagasbas proper.
Sa ngayon may mga lugar pa umanong may problema ang daloy ng tubig.
Tinukot nito ang Mambalite dito sa Daet ilang bahagi ng Mercedes, Mocong area sa Basud at Guinacutan at Napilihan sa Vinzons.

