Handa na ang House of Representatives na buksan muli ang mga plenary sessions nito matapos ang dalawang linggo na suspensyon dahil sa implementasyon ng Enahnced Community Quarantine sa Metro Manila.
Sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na papaspasan na ng mga mambabatas ang trabaho nito para sa mga nakabinbin na panukala simula ngayong araw ng Lunes.

Ayon kay Velasco, inaasahan na rin nila na masusumite na ang National Expenditure Program (NEP), na naglalaman ng mahigit P5-trillion na national budget para sa 2022.
Oras na matanggap ng Kongreso ang NEP ay agad nang sisimulan ng House Committee Appropriations, na pinangungunahan ni ACT-CIS Partylist Representative Eric Yap ang budget deliberations.
Inihayag ni Velasco na bahagi ng kanilang tungkulin sa ilalim ng batas ay ang pagbusisi ng maigi sa NEP, at magpasa ng pambansang pondo na sumasalamin sa pangangailangan ng mga Pilipino sa gitna ng COVID-19 pandemic.