Umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na mabibigyan ang mas maraming healthcare workers ng special risk allowance (SRA) sa gitna ng kanilang pakikipaglaban sa COVID-19 sa frontlines.
Inihayag ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles matapos iutos ng Pangulo sa Department of Health (DOH) at sa Department of Budget and Management (DBM) na humanap ng pondo para mabayaran ang benepisyo ng health workers.
Ayon kay Nograles, meron ilang nurses ang nagsasabi na dapat silang maisama sa mga benepisyo habang nagpapatuloy ang pagkalat ng COVID-19 dahil direkta na silang exposed sa nakamamatay na virus.

Anya, kwalipikado naman ang mga nasabing nurses pero posibleng hindi sila naisama sa mga benepisyaryo.
Inihayag naman ni Nograles na inilabas na ng DOH ang SRA para sa health workers sa ilalim ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2 na aabot sa mahigit P9-billion.
Matatandaan na nagbabala ang mga nurses at iba pang healthcare workers ng “mass resignation” dahil sa hindi pagbabayad umano ng DOH ng SRA at ng hazard pay.