Yordenis Ugas, naniniwala na deserve ni Pacquiao ang rematch

Handa ang Cuban fighter na si Yordenis Ugas na makatapat muli si Senator Manny Pacquiao sa isang rematch.

Ito ay matapos magwagi si Ugas laban sa Filipino boxing icon sa kanilang sagupaan nitong Linggo.

Ayon kay Ugas, hindi problema para sa kaniya kung sakaling hilingin ng eight-division world champion ang isa pang pagkakataon para masungkit ang WBA welterweight title.

Iginiit ni Ugas matapos ang kanilang 12-round match sa T-Mobile Arena sa Las Vegas na isang “great legend” at “great fighter” si Pacquiao at deserve nito ang isang rematch.

Mababatid na marami na ang nagtatanong kung balak na ba ni Pacquiao na magretiro mula sa pro-boxing matapos nitong magkamit ng 62 panalo at walong talo sa kaniyang buong career.

Ilan lamang sa mga tumatak na kalaban ni Pacquiao ay sina Juan Manuel Marquez, Erik Morales, Marco Antonio Barrera, at Timothy  Bradley.

Meron na rin usap-usapan na magkakaroon ng rematch sina Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. matapos ang kanilang laban noong 2015 kung saan ay nagwagi ang American boxer via unanimous decision.