CAMARINES NORTE- Kinatigan ng hukuman ang hirit na Preliminary Injunction ni Vice Mayor Juan Enero at ng pito pang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Capalonga, Camarines Norte na pinatawan ng 60- day preventive suspension ng Sangguniang Panlalawigan noong Agosto.
Sa tatlong pahinang desisyon na pirmado ni Presiding Judge Arniel Dating ng Regional Trial Court Branch 41 na may petsang September 30, 2021, inatasan nito ang mga public respondent na sina Governor Edgardo Tallado, Sangguniang Panlalawigan at Punong Barangay Arlene Conmigo na ihinto ang anumang pagkilos para sa implementasyon ng naturang preventive suspension o itigil ito kung naipatupad na.
Kinatigan ng korte ang mga petitioner sa kanilang posisyon na ang pagkakasuspinde sa kanila ay magdudulot ng serious at irreparable injury sa kanilang mga constituent na nagluklok sa kanila sa pwesto.
Mapaparalisa din umano ang day to day activity sa legislative branch ng nasabing LGU dahil sa preventive suspension na ipinataw sa Bise Alkalde at sa pitong konsehal.



Ipinunto naman ng mga petitioner ang kakulangan ng “essential elements” para sa pagpapataw sa kanila ng preventive suspension.
Sabi pa sa desisyon ng korte na alinsunod sa section 63 ng Local Government Code, maaari lang ipataw ang preventive suspension kung malakas ang ebedensiya at mayroong posibilidad na ang pananatili ng mga petitioner sa pwesto ay maaaring maka impluwensiya sa mga testigo at magiging banta para sa safety at integrity ng records at iba pang ebedensiya.
Inaasahan daw kasi na secured na ang mga kinakailangang ebedensiya at dokumento dahil sa nakabinbing kaso sa RTC Branch 64 sa bayan ng Labo at sa inihaing kasong administratibo sa Sangguniang Panlalawigan.
Matatandaan na sa botong 7- 3 ay nagpasya ang mga miyembro ng junta probinsiyal noong Agosto 24, 2021 na patawan ng 60- day preventive suspension sina VM Enero at ang walong miyembro ng SB Capalonga na kinabibilangan nina Councilors, Fatima Regine Navarro, Cony Olin, Renato Aler, Abraham Juego, Ramil Ravis, Remegio Barbo, Felix Oliva at Joshua Florante.
Si Barbo ay sumakabilang buhay ilang araw matapos ipataw ang preventive suspension.
Nag- ugat ang suspensyon sa naturang Sangguniang Bayan officials makaraang sampahan ang mga ito ng kasong administratibo ni Punong Barangay Conmigo ng Camagsaan dahil umano sa Grave Abuse of Authority.
