Pinaghihinalaang dinapuan ng Chikungunya Virus ang anim na indibidwal kasama ang isang 4 na taong gulang na bata mula sa Bgy. Taratak Bataraza Palawan.
Ayon kay Barangay Captain Khadafy Saari, nakikitaan ng mga sintomas ng pagkakaroon ng Chikungunya ang mga anim na indibidwal, katulad nalang ng hindi bumababang lagnat, masasakit na kasukasuan, nangangalay na mga buto at pagkakaroon ng rashes sa buong katawan.
Gayunpaman, hindi pa umano kumpirmado na ito nga ay dulot ng Chikungunya Virus, hindi pa kasi napapatignan sa doktor ang mga pinaghihinalaan.
Bilang aksyon, ang barangay council ng Bgy. Taratak ay nagsagawa ng Oplan Taob at nagbahay bahay upang puksain ang mga pwedeng pamahayan ng lamok gayundin ang pagbibigay ng edukasyon sakanilang nasasakupan.
Samantala, ang Chikungunya ay nakukuha mula sa kagat ng lamok na maaaring maramdaman pagkaraan ng 3-7 araw matapos na makagat ng infected na lamok at maaring makaranas ng sintomas tulad ng lagnat, sakit sa ulo at kasukasuan at pagkakaroon ng pantal sa buong katawan.