Natanggap na ni Hidilyn Diaz ang isa sa mga pledges para sa kaniya matapos ang kaniyang makasaysayang gold medal performance sa weightlifting event ng 2020 Tokyo Olympics.
Nitong Biyernes, ay ibinahagi ng sports reporter na si Manolo Chino Trinidad ang litrato nila ni Hidilyn sa harapan ng isang dilaw na sasakyan.
Sinabi ni Diaz na mahalaga para sa kaniya ang naturang reward dahil kinailangan niya noon na ibenta ang kaniyang dating sasakyan, na isang second-hand, bilang bahagi ng kaniyang preparasyon sa Olympics.
Si Trinidad ang inisyal na nagrekomenda sa isang contact nito sa Ayala Foundation na kilalanin ang tagumpay ni Hidilyn sa Olympics.

Ipinunto ni Trinidad na nais niya lamang makuha ni Diaz ang nararapat na pabuya para rito matapos niyang maalala ang nangyari kay Onyok Velasco noong 1996.
Naikwento ni Trinidad na nakatanggap rin si Velasco ng bagong sasakyan, na isa sa mga incentives na nakarating sa naturang boksingero matapos nitong masungkit ang silver medal sa Atlanta Olympics.
Ngunit noong nakaraang linggo ay isiniwalat ni Onyok na hindi niya natanggap ang lahat ng pledges para sa kaniya noong kapanahunan niya.
Matatandaan na agad kinilala ng Ayala Foundation ang tagumpay ni Hidilyn sa isang pahayag kung saan ay tinawag nila ito bilang “modern day hero”.