Talent agency ni Buknoy, binatikos ang fake news kaugnay sa kaniyang pagkakaaresto

Binatikos ng talent agency na Star Image ang mga fake news kaugnay sa pagkakaaresto ng vlogger na si Buknoy Glamurr.

Sinabi sa kumakalat na ulat sa social media na inaresto ng Quezon City Police District si Buknoy matapos nitong ihalo ang orange juice sa holy water ng St. Paul the Apostle Parish Church, para sa isang prank.

Inihayag ng Star Image Artist Management na totoong meron mga pagkakamali na nagawa ang kanilang talent sa nakalipas.

Gayunman, sinabi ng agency na mali ang magpakalat ng fake news at maituturing na “ungodly” ang pang-aalipusta sa Simabahang Katolika.

Nakiusap naman ang Star Image sa Facebook page na nagpakalat ng fake news na maging isang responsableng page owner.

Umapela rin ang talent management ng vlogger sa pahayagang PhilStar na aksyunan ang paggamit sa kanilang logo, kung saan ay ipinakakalat ang post na tinukoy nito bilang “immoral”.

Samantala, sa Twitter naman ay nag-post ang user na @justbuknoy ng ilang litrato ng vlogger kung saan ay sinabi nito “stop spreading fake news. Unbothered as always.”