BICOL—Target ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Legazpi na makuha ang herd immunity pagsapit ng buwan ng Oktubre hanggang Disyembre ngayong taon.
Sa isang panayam inihayag ni Mayor Noel Rosal na sa target na 156,000 individuals na babakunahan, kung ibabatay umano sa 70% ay kailangang maabot ang 90,000 nito.
Kumpiyansa umano silang makukuha ito basta magtutuloy-tuloy ang pagdating ng mga bakuna.
Ayon kay Rosal, malaking bagay na napabilang ang lungsod ng Legazpi sa mga prayoridad na mabigyan ng bakuna base sa risk classification nito.
Inaasahan kasi na mayroong darating na 42 million doses ng Pfizer vaccine at oras anyang dumating ito ay maaaring makuha na ng lungsod ng 50% ng target population.
Maliban dito ay inaasahan din ang pagdating ng Sputnik V mula sa Russia sa mga susunod na araw kung saan lagi umanong may share ang lungsod.
Kahapon, panibagong 5,000 doses ng Coronavac ang nakuhang alokasyon ng Legazpi matapos dumating ang nasa 36,800 vials nito na nakalaan para sa Bicol region.### || SLM

