Grupo ng mga mangingisda sa Zambales, nakaranas ng matinding pambu-bully sa China

Umarangkada na ang pagdinig ng House Committee on National Defense and Security at Special Committee on the West Philippine Sea sa bayan ng Masinloc sa Zambales upang alamin ang sitwasyon ng mga mangingisda sa harap ng patuloy na pagiging agresibo ng China.

Dumayo sa Masinloc ang mga kongresista sa pangunguna nina Defense Committee Chairman Raul Tupas, Vice Chairperson Zia Alonto Adiong at House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr.

Dito ay ikinuwento ng iba’t ibang grupo ng mga mangingisda ang pambu-bully at harassment na nararanasan nila sa kamay ng mga Chinese.

Ayon kay Masinloc Mayor Arsenia Lim, taong 2016 pa lamang nang maupo siya sa puwesto ay nakararanas na ng pagtataboy, pambobomba ng water cannon at paghihigpit sa pagpasok ang mga mangingisda.

Sa kabila nito ay hindi umano nagpapabaya ang lokal na pamahalaan at sa tulong ng database ay nabibigyan ng tulong ang mga kooperatiba at fisherfolk sector groups.

Ikinuwento rin ng mangingisda na si Nolly Delos Santos ang kanilang sitwasyon na bukod sa hirap na hirap nang buhayin ang pamilya ay napilitan pang tumigil sa pag-aaral ang mga anak.

Giit ni Delos Santos, hindi sapat ang ayuda ng gobyerno at ang hiling niya sa mga kongresista ay masigurong malaya silang makapangingisda sa Bajo de Masinloc.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *