Matapos manalo at masungkit ng dalawang gintong medalya sa Paris Olympics 2024 naging usap-usapan naman sa social media ang tila hidwaan sa pagitan nina Caloy at kanyang Ina.

Naging maingay pa ang usapin matapos na parehong magpost sa social media sina Chole San Jose (girlfriend ni Caloy) at si Angelica Yulo (ina ni Caloy) na tila may pinapatamaan.
Kahapon ay naglabas na ng statement si Caloy hinggil sa isyu nilang mag-ina.
Unang binukas ni Caloy ang tungkol sa usapin ng pera at kinikita niya bilang atleta para sa national team.
Kaugnay ito ng akusasyon ng ilang netizens na sinasabing mukhang pera umano ang ina ni Caloy at naghahabol aniya ito sa perang kinikita ng anak. Bagay na mariing itinanggi ni Angelica.
Ayon kay Angelica, may natanggap silang P70,000 mula sa World Championship 2021. Idineposito umano ito sa bangko gamit ang kanyang pangalan para may makuhaan sila sa oras na maubos ang ipon ng anak.
Ngunit sinabi ni Caloy na hindi lang P70,000 ang perang nakuha ng kanyang ina mula sa bank account niya.
Wala naman kaso kay Caloy kung nagastos ng kanyang pamilya ang cash incentives niya. Ang gusto lang niya ay agad ipinaalam sa kanya ang perang pumapasok sa bank account niya, at kung gagastusin man, saan ito ginamit ng kanyang ina.