LEGAZPI CITY – Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Daraga Municipal Police Station ang isang Grade 12 student na umano’y naaktuhang gumagamit ng pinaniniwalaang marijuana sa comfort room ng isang paaralan sa Daraga, Albay.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Chief of Police PLt. Col. Edmundo Cerillo, Jr., nilinaw nito na hindi ito menor de edad, dahil base sa isinumiteng birth certificate ng magulang nito, nasa 18 taong gulang na ang suspek at nasampahan na rin ito ng kaukulang kaso kagabi.
Aniya, nagkausap na rin sila kasama ang adviser nito, principal pati ng iba pang mga guro at nakapagsagawa na rin ang himpilan ng lecture na may kinalaman sa illegal drugs awareness.
Kaugnay nito, magsasagawa rin umano sila ng kaparehong lectures sa iba pang mga paaralan upang madagdagan ang kaalaman ng mga kabataan at maiwasan na ang pagkakasangkot sa ganitong mga kaso.
Samantala, sinabi pa ni Cerillo, sa ilalim ng kanyang termino, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapag-record ng ganitong kaso sa paaaralan.