LEGAZPI CITY – Naghahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ng 37,983 family food packs (FFPs) bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng low-pressure area (LPA) na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon kay Marygizelle Mesa, regional information officer ng nasabing tanggapan, maaaring maglabas ang ahensya ng mga food packs at non-food items na makukuha sa mga bodega ng DSWD sa Legazpi City, Camarines Norte, Camarines Sur at Masbate kung kinakailangan.
Aniya, ang mga FFP ay naka-preposition na at handa na sa pamamahagi kapag hiniling para sa augmentation ng mga local government units (LGUs).
Naka-standby na rin ang humigit-kumulang 37K na FFP sa iba’t ibang bodega at isa pang P11.2 milyong halaga ng stockpile para sa repacking bilang augmentation.
Ang stockpile ay binubuo ng 52,900 kilo ng bigas; 77,348 lata ng corned beef; 105,756 lata ng sardinas; 172,396 lata ng tuna; 314,085 sachet ng 3-in-1 na kape; at 134,390 lata ng cereal drink, mabuti para sa 20,000 pamilya.
Higit pa rito, nakahanda rin ang P5-million standby fund para sa karagdagang pagbili ng food packs o anumang kits kung kinakailangan.
Ang bawat family food packs ay maaaring magbigay ng pagkain sa mesa sa loob ng dalawang araw para sa isang pamilya na may limang miyembro.
Maliban pa rito, naghanda rin ang ahensya ng 49,581 non-food items kabilang ang hindi bababa sa 338 set ng family tents; 3,817 boxes ng sleeping kits; 2,792 boxes ng family kits; 3,179 sets ng hygiene kits; 3,712 kitchen kits at marami pang iba. Nag-utos na rin si DSWD-Bicol chief Norman Laurio sa mga tanggapang panlalawigan na makipag-ugnayan sa iba’t ibang LGUs sa kani-kanilang lugar hinggil sa pagpapalabas ng mga inihanda na pagkain at mga gamit.