Kinalampag ng Department of Labor and Employment ang Regional Wage Board para madaliin na ang pagdinig sa mga nakahaing petisyon para sa umento sa minimum wage mula sa iba’t ibang rehyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na umapela na ang kanyang opisina sa tanggapan ng RWB para mabigyan ng ‘urgency’ ang mga petisyong inihain ng mga grupo ng mangagawa.

Ayon sa Kalihim, higit na kailangan nang dinggin ang mga ito lalo na’t tuluy-tuloy pa rin ang pagtaas ng bilihin, pati na rin ang nakaambang big-time oil price hike bukas.
Sa kabila nito, nilinaw ni Bello na kinakailangan pa ring dumaan sa public hearing ang mga nabatid na petisyon nang sa gayon ay masuri itong mabuti ng mga ahensya’t tanggapan na bumubuo ng board.
Paliwanag ng Kalihim, kailangang aralin at timbangin ang magiging epekto nito nang sa gayon ay magiging balanse ang wage increase sa panig ng manggagawa, at gayundin sa mga employer.
#