CAMARINES NORTE- Puspusan ang kampanya ng Department of Health (DOH) sa pagbabakuna para maabot ang herd immunity o 70 % ng eligible population na mabakunahan.
Sa isinagawang Town Hall Meeting with Human Resource for Health on COVID- 19 vaccine demand generation kahapon, inihayag ng ahensiya na hindi kakayanin ng rehiyon at bansa ang matagal pang walang herd immunity.
Para maabot ang herd immunity sa rehiyon kailangang makapagbakuna ng 4. 3 milyon at sa ngayon ay nasa 2. 8 milyon pa ang hindi bakunado.
Sa gagawing tatlong araw na National Vaccination Day mula November 29 hanggang December 1 target ng DOH na mabakunahan ang nasa 1. 1 hanggang 1. 2 milyong bikolano.
Batay sa datos, nasa 41, 091 ang National Vaccination Daily target sa Camarines Norte na mayroong 70 na kasalukuyang vaccination team o 1,174 deliverable jabs per team.
Kung magpapatuloy din aniya ang kasalukuyang numero sa vaccination coverage aabutin pa ng mahigit tatlong buwan bago maabot ang herd immunity.
Mahalaga ang pag abot sa herd immunity upang maprotektahan hindi lang ang mga nagpabakuna kundi ang mga hindi bakunado.
Kapag bakunado umano ang karamihan ay mababa ang tsansang magkaroon ng malalang sakit.
