Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na inajust ang shelf life ng ilang COVID-19 vaccines na nag-expired, dahilan para pinayagan itong gamitin pa ng mga otoridad.
Ayon kay Duque, nakipag-ugnayan sa Pfizer, kung saan pinalawig ang mga nag-expire nang bakuna ng tatlo pang buwan, matapos ang isinagawa nilang stability studies.
Maliban sa Pfizer doses, makipag-ugnayan rin ang gobyerno sa mga opisyal ng AztraZeneca, kung saan titingnan rin nila kung ang mga nag-expire nang bakuna ay puwede pang ma-extend na hindi mababawasan ang kanilang pagiging epektibo at masisiguro pa na ito ay ligtas.

Una nang sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na may ilang bakuna na mag-eexpire na ngayong buwan at sa Enero, at titingnan ng gobyerno kung ilang mga doses ang nasayang at kung bakit hindi ito nagamit. //MHEL PACIA-TRINIDAD