BICOL – HINIMOK ngayon ng Department of Health o DOH-Bicol ang mga LGU aT buong komunidad na maging katuwang sa pagtitiyak ng kalusugan ng mga kababaihang magdadalang-tao lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang binigyang-diin ng Department of Health o DOH-Bicol kasabay ng “Safe Motherhood Week” na ginugunita tuwing ikalawang linggo ng Mayo.
Ayon kay Dr. Rita Mae Ang-Bon, head ng Family Health Cluster ng DOH-Bicol, layunin din nito na maisulong ang kahalagahan ng maternal health at ng mga serbisyong iniaalok ng gobyerno para sa mga nagdadalang tao.
Aniya, mahalaga na maging bahagi ng selebrasyon ng Safe Motherhood Week ang pagtitiyak na lahat ng buntis sa pamayanan ay nabibigyan ng karampatang serbisyong pangkalusugan upang maging ligtas ang kanilang pagbubuntis at panganganak.
Sa pamamagitan ng radio program na “Chikahang Pangkalusugan”, ipinaliwanag din ni Ang-Bon kung papano nabebenepisyuhan ng programa ang mga buntis pati na ang kanilang mga anak.
Layunin din ng programa na mapabuti ang health at well-being ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang ‘disadvantaged women’ ay may access sa quality maternal health services at mga health facilities.
Kagunay nito, hinikayat din ng opisyal ang mga buntis na regular na magpa check-up upang mabigyan ng libreng mga gamot at bitamina gayundin maasistehan ang mga ito hanggang sa ligtas na makapagsilang.