BNFM BICOL—Welcome para sa Albay Power and Energy Corporation (APEC) ang naging rekomendasyon ng Department of Energy (DOE) upang hindi tuluyang magdilim ang islang bayan ng Rapu-rapu kabilang na ang Batan island dahil sa hindi pa nababayarang utang sa electric bill.
Base sa rekomendasyon, patuloy na magsusuplay ng kuryente ang National Power Corporation (NPC) sa APEC pero sa paraang utang muna.
Sa loob ng 60 araw mula kahapon, Mayo 21, kailangang mayroon nang maayos na kasunduan ang NPC, ALECO, NEA, APEC at LGU para sa pagbabayad ng nasa P32.5 million arrears ng islang bayan.
Sa loob din ng nasabing araw, dapat paigtingin ng APEC ang collection campaign nito kung saan mahigpit ding ipatutupad ang disconnection sa mga may malaking bayarin sa kuryente at huhulihin ang mga sangkot sa iligal na paggamit nito.
Kaugnay nito ay hiniling ng kumpanya ang tulong ng lokal na gobyerno at ng PNP sa nasabing kampanya.
Sa ngayon ay hihintayin na lamang umano ng APEC ang pinal at ispisipikong detalye ng proposal ng DOE para sa pagpapanatili ng power supply sa Rapu Rapu at Batan island.
Muli namang pinaalalahanan ng kumpanya ang mga delinquent consumers na wala na silang dahilan para hindi makapagbayad at hindi rin umano maaaring magsakripisyo ang mga good paying customers dahil sa ilang hindi nagbabayad at nagnanakaw pa ng kuryente.###

