Isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte na inutos ng Commission on Audit sa Subic Bay Metropolitan Authority na kolektahin ang tinatayang nasa P146.8-million na halaga ng disallowed expenses sa panahon ng pamumuno noon ni dating Senador Richard Gordon.
Sinabi ng Pangulo sa kaniyang pre-recorded Talk to the People na naglabas ang COA ng order of execution upang utusan si SBMA chairman Wilma Eisma na agad kolektahin ang settlement ng P146.8-million liability ng mga dati at kasalukuyang mga opisyal ng SBMA.
Kabilang na anya rito si Senator Richard Gordon na may liability na aabot anya sa tinatayang P86-million.
Ipinunto rin niya na inutos ng COA na huwag munang swelduhan ang mga tauhan at opisyal ng SBMA hangga’t hindi nababayaran ang nasabing halaga.
Matatandaan na inutos ng Pangulo sa Office of the Solicitor General na sabihan ang Commission on Audit na kumolekta ng P140-million mula sa government funds mula kay Gordon, na dating SBMA chairman.
