Ipinaliwanag ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Arriola ang dahilan ng pagtanggi ng karamihan ng mga Pilipino sa Ukraine na sumama sa repatriation sa kabila ng nagaganap na pananakop ng Russia.
Ayon kay Arriola, kabilang sa mga Pilipino na nasa Ukraine ay mga household service workers, mga guro, mga empleyado sa international organizations, at mga kasal sa Ukraine citizens.
Ipinunto ni Arriola na ayaw ng ilang Pilipino na umalis dahil ayaw nila na mawalay sa kanilang pamilya.
Dagdag ni Arriola, marami rin sa mga Pilipino ang kuntento na sa kalidad ng buhay na meron sila sa Ukraine.
Sa kabila nito ay tiniyak ng gobyerno na handa itong magbigay ng care packages para sa kanila.
Samantala, inanunsyo rin ng DFA na may anim na karagdagang Pilipino na lumikas sa Ukraine ang nagawang makarating sa Moldova.
Aasikasuhin naman ng Philippine Embassy sa Budapest at ng Philippine Consulate sa Chisinau ang byahe ng apat sa anim na Pilipino papuntang Romania, kung saan ay magmumula ang kanilang repatriation flight na papunta sa Manila.
