Posibleng sa katapusan ng taong 2021 ay magkaroon na ng desisyon ang Korte Suprema hinggil sa mga petisyon laban sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Law.
Ayon kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo, umaasa ang mataas na hukom na sa loob ng kasalukuyang taon ay makakabuo na sila ng isang draft ng desisyon para sa mga petisyon laban sa batas.
Mababatid na layon ng Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act na pigilan, ipagbawal at parusahan ang mga naghahasik ng terorismo sa bansa.
Kung maaalala naman ay simula noong pagkalagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing batas ay maraming naghain ng mga petisyon.
Hindi bababa sa 37 ang mga petisyon na inihain kung saan ipinadedeklara itong unconstitutional dahil sa mapang-abuso umano ang nabanggit na batas at wala umanong lugar sa isang demokratikong bansa.
Naisalang na rin ang mga ito sa oral arguments sa Korte Suprema.