CAMARINES NORTE- Hinimok ng Department of Education ang mga magulang na huwag nang hintayin ang pasukan para i- enroll ang kanilang mga anak.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Camarines Norte Schools Division Superintendent Nympha Guemo na nasa 75 porsiento pa ang kailangang mairehistro sa Early Registration para sa School Year 2022- 2023.
Sa kinder nasa 3, 680 pa lang ang nakakapagparehistro kumpara sa 13, 509 noong nakaraang taon kaya malaki pa ang kailangang habulin para sa enrollment.
Nasa 7, 263 naman ang nakakapagparehistro sa Grade 1 kumpara sa 13, 994 noong nakaraang taon.
Mababa pa rin ang nakakapagrehistro sa Grade 7 na mayroon pa lang 2, 931 kumpara sa 12, 337 noong nakaraang taon.
Habang sa Grade 11 naman ay nasa 2, 485 pa lang kumpara sa 7, 815.
Sa kabila ng mababang bilang ng mga nakakapagparehistro ay hindi naman aniya nababahala ang DepEd dahil hanggang April 30 pa ang Early registration at lagi naman aniya itong pinapalawig
“So early registration will last until April 30 pero lagi naman po yang ini -extend at pwede pa naman silang mag enroll before the start of classes ang even during the ano, opening of classes pwede na rin sila pero huwag nang hintayin ano,” ani Guemo.
Tiwala si Guemo na hindi lang maabot ang target enrollment kundi malalagapasan pa tulad noong mga nagdaang School Year.
“Palagi naman itong ganun ang nagiging trend dito eh, early registration ay konte pero pagdating ng klasehan ay more than expected number.”
Gayunman huwag na raw sanang hintayin pa ng mga magulang ang pasukan bago ipa- enroll ang kanilang mga anak.
Importante umano ang datos na makukuha sa early registration para sa pagpaplano ng DepEd.
“Huwag na nating hintayin na kung kailan magsisimula ang klase saka pa lang tayo magpapa- enroll ng mga estudyante, kailangan kasi ang data ng Deped para naman sa ating mga allocations MOOE, teachers, buildings, yan kailangan po yan.”
