Pinatatahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Philippine Ambassador to United States Jose Cuisia, matapos nitong batikusin ang mga hakbang ng gobyerno sa pagdipensa ng claims ng bansa sa West Philippine Sea.
Sa isang taped meeting kung saan ay nakaharap ng Pangulo ang mga miyembro at opisyal ng PDP-Laban ay nabanggit nito ang tungkol sa relasyon ng bansa sa China.
Doon ay sinabi niya na nasa West Philippine Sea ang China hindi upang madagdagan ang kanilang teritoryo, ngunit dahil meron umano itong “claims of ownership” sa lugar.
Inihayag rin ng Punong Ehekutibo na bagamat may claims rin ang Pilipinas ay nawala mula sa pangagalaga nito ang Scarborough Shoal sa ilalim ng administrasyon ng yumaong Pangulong Benigno Aquino III

Ipinunto rin niya na sila Aquino, Cuisia, at dating senador Antonio Trillanes, na 16 na beses umano bumyahe patungong China ang nag-uusap noon tungkol sa mga hakbang ng bansa sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.
Iginiit ng Pangulo na masyadong “bombastic” si Cuisia dahil sa pakukwestyon nito kung bakit hindi umano niya isinusulong ang 2016 arbitral ruling.
Inihayag ng Pangulo na pwede niyang bigyan ng uniporme at baril si Cuisia upang mauna ito sa pag-claim ng mga teritoryo na hawak ng China.
Matatandaan na sinabi ng Pangulo na para sa China ay isang kapirasong papel lamang ang arbitral ruling na nababagay sa basurahan.