Inihayag ng Department of Health na rereviewhin ng mga otoridad ang pinakahuling polisiya ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 kung saan ay pinapayagan ang interzonal travel para sa mga indibidwal na fully vaccinated na.
Ito ay sa kondisyon na makakapagpresenta ang mga ito ng domestic vaccination card o certificate of isolation na inisyu ng Bureau of Quarantine.
Inalmahan naman ng ilang lokal na opisyal ang Inter-Agency Task Force Resolution No. 124-B, dahil umano sa kawalan nito ng konsultasyon at problema sa pag-validate ng vaccination cards.

Dahil dito ay sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na ibabalik muna ang testing requirement para sa interzonal travel hangga’t hindi pa naayos ang mga isyu sa naturang polisiya.
Ipinunto ni Duque na kung kinakailangan ay aamyendahan nila ang resolusyon.
Samantala, inimbitahan naman ni Duque ang mga lider ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) at ng League of Provinces of the Philippines sa gagawing pagpupulong ngayong araw, para pag-usapan ang isyu sa bagong polisiya sa interzonal travel.