Dating MinDA Secretary Acosta, pinatalsik na sa pwesto

Pinaalis na sa puwesto ni Pangulong Bongbong Marcos si dating Mindanao Development Authority o MinDA Secretary Maria Belen Acosta.

Ito ay dahil sa nawala na ang trust and confidence ni Pangulong Marcos kay Acosta.

Inilabas ang order ni Pangulong Marcos noong Mayo 22, 2024 at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Base sa dalawang pahinang liham, sinabi ni Bersamin na naging epektibo na ang pag-upon sa pwesto ni Secretary Leo Tereso Magno noong Mayo 21 nang nanumpa ito sa tungkulin at ilabas ang appointment paper noong Mayo 13.

Una rito, nanindigan si Acosta na hindi pa opisyal na nabakante ang posisyon ng MinDA chief at wala aniyang basehan ang pagkaka-terminate sa kanya dahil fix term na anim na taon daw ang kanyang appointment paper na nilagdaan noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa argumento ni Acosta, hindi kailanman nabakante ang MinDA chairmanship dahil hindi naman siya tinanggal sa puwesto at wala namang isinampang anumang kasong administratibo o kriminal laban sa kanya.

Subalit ipinaliwanag ni Bersamin sa kanyang liham na ang chairmanship position sa MinDA ay ‘confidential and policy determining’ kaya’t ‘valid’ ang pagkaka-sisante kay Acosta matapos aniyang mawalan ng kumpiyansa at tiwala sa kanya si Pangulong Marcos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *