Ibinunyag ni Senate Sergeant-At-Arms Rene Samonte na papunta sana ang Pharmally executives na sina Mohit at Twinkle Dargani sa Kuala Lumpur, Malaysia sakay ang isang private plane, nang sila ay maaresto sa Davao City.
Agad naman dinala ang dalawa sa kustodiya ng Senado sa Pasay City matapos silang mahuli.
Kung maalala ay na-cite in contempt ng Senado ang magkapatid na Dargani dahil sa kanilang pagtanggi na magpasa ng mga pina-subpoena na dokumento mula sa kompanya.
Samantala, patuloy naman sinusubukan ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms na maaresto si dating Budget Undersecretary Christopher Lloyd Lao.
Matatandaan na isinilbi ng opisina ang kopya ng arrest order ni Lao sa isang babae na nakatira sa condominium unit nito sa Cebu City habang wala naman nadatnan na tao sa bahay nito sa Davao City noong Sabado.
