SORSOGON CITY – Swak ngayon sa piitan ang dalawang tulak ng iligal na droga sa ikinasang magkahiwalay na buy-bust operations ng mga awtoridad sa lalawigan ng Sorsogon.
Unang naaresto, gabi noong Huwebes, Nobyembre 4 sa Brgy Caricaran, Bacon District sa lungsod ng Sorsogon ang isang 28-anyos na si Ariel Delima Guevarra, may asawa at naninirahan sa Brgy Bonga ng nasabing distrito.
Positibo itong nakapagbenta ng isang malaking sachet ng tuyong dahon ng hinihinalang Marijuana sa isang operatiba na nagpanggap na buyer kapalit ng P500.00 buy-bust money.

Si Guevarra ay isa sa drug personality na nasa watch list ng City Drug Enforcement Unit (CDEU).
Kinabukasan, Nobyembre 5, dakong alas 5:45 ng umaga ay naaresto ng Matnog Police sa Brgy Gadgaron si Jover Sayson Garra, 43-anyos, binata at residente ng nasabing barangay.
Nakumpiska dito ang buy-bust money na nagkakahalaga ng P15,000.00 kung saan ang P500.00 ay genuine money habang ang iba ay boodle money, ito ay kapalit ng 3 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P15,000.00.
Ayon sa Matnog Police, si Garra ay miyembro umano ng Giray Drug Group, dati na itong nahuli sa iligal na droga at kabilang sa ‘regional recalibrated priority database on illegal drugs at pangalawang target ng ‘Coplan Firestone.’
