Isang babae kamakailan sa Tsina ang nabalian ng tadyang dahil sa pag-ubo lamang nito dulot ng kinain niyang napakaanghang na pagkain.
Ayon sa babaeng tinago sa pangalang Ms. Huwang, hindi niya lubos akalain na bigla na lamang may naglagutok sa kanyang dibdib na talagang biglang sumakit umano.
Noong una, akala niya ay naistroke na siya kaya agad siyang tumawag ng ambulansia para dalhin siya sa hospital.
Kalauna’y napag-alaman sa isinagawang eksaminasyon at sa tulong ng CT scan na nabali umano ang apat na buto sa ribs ni Huwang.
Ayon sa doktor, ito’y dahil umano sa kapayatan ni Huwang at sa kakulangan ng muscles na magsusuporta sa kaniyang mga buto.
Kaya naman inabisuhan ng doktor ang babae na magpataba dahil kung sa susunod na maganap muli ang matining pag-ubo ay mababalian na naman umano ito ng buto sa kaniyang tadyang.
Patuloy nang nagpapagaling si Huwang at kung sakaling bumuti ang kaniyang lagay ay plano na umano nitong magpataba ng kaniyang katawan. |WENCY LISAY