LEGAZPI CITY – Nagsimula na ng kaninang alas-11 ng umaga ang paglilikas ng mga residenteng nakatira sa tatlong barangay sa Guinobatan, Albay na kinabibilangan ng Maninila, Tandarora at Sitio Basyaw ng Muladbucad Grande na pawang nasa loob ng 6km permanent danger zone ng Bulkan Mayon.
Kasunod ito ng pag-aalburoto ng bulkan na ngayo’y nasa Alert Level 3 status.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Mayor Paul Chino Garcia, sinabi nito, ang tatlong mga barangay na muna ang ipaprayoridad ng LGU sa paglikas dahil sila ang pinakamalapit sa nasabing bulkan.
Aabot sa naman sa mahigit 1,000 pamilya o higit sa 5,000 na mga indibidwal ang kanilang ililikas sa evacuation center.
Sinabi pa ni alkalde, walang matitirang pamilya sa loob ng permanent danger zone upang panatilihin ang zero casualty sa bayan.