KORONADAL CITY — PATAY ang dalawang Covid-19 patient mula sa isang isolation facility sa Koronadal City matapos hindi na nadala sa ospital dahil punuan na at wala nang bakante ang lahat na mga ospital sa lungsod maging sa buong South Cotabato.
Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay City Health Officer Dr. Edito Vego, kinumperma nitong magkasunod na binawian ng buhay ang dalawang Covid-19 positive noong Linggo, Agosto 29 sa Marbel 1 Elementary School na ginawang isolation facility ng lungsod.
Kapwa lalaki ang dalawang binawian ng buhay na kinabibilangan ng isang 69-anyos na residente ng Barangay San Isidro at 61-anyos na taga-Barangay Paraiso.
Kapwa may severe Covid-19 infection umano ang mga ito at parehong may comorbidities.
Paliwanag ni Vego, puno na ang lahat na mga ospital sa Koronadal, at marami pa ang nakapilang mga pasyente sa mga holding areas.
Naniniwala ang opisyal na posibleng na-agapan pa ang dalawa kung nadala ang mga ito sa pagamutan.
Pinasiguro naman nito na ginagawa nila ang lahat upang mabigyan ng kaukulang medical attention ang lahat na mga nag-popositibo sa Covid-19.
Ito umano ang pinaka-unang pagkakataon na may namatay sa isolation facility sa Koronadal.
