KORONADAL CITY — MALAPIT nang mapuno ang mga Covid-19 isolation facilities sa Koronadal.
Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay City Health Officer Dr. Edito Vego, dahil umano ito sa muling pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa lungsod.
Sinabi nito na halos doble ang itinaas ng kaso ng aktibong kaso Covid-19 sa Koronadal na nasa mahigit 400 na sa ngayon kung ihahambing noong Hulyo na bumaba sa 168.
Paliwanag ni Vego na household transmission ang karamihan sa mga ito.
Dahil dito, pinaplano na umano nilang buksan ang Koronadal National Comprehensive High School o KNCHS na una nang inihanda bilang Covid-19 isolation facility sa lungsod.
Ngunit problema umano sa ngayon ang kakulangan ng mga personnel na itatalaga dito. Kawalan din umano ng manpower ang dahilan kung bakit hindi pa ginagamit sa ngayon ang Covid-19 isolation facility na itinur-over ng Department of Health o DOH-12 sa lungsod na makikita sa Barangay Concepcion.
Sa ngayon, mahigit sa 300 umano ang bed capacity ng mga ginagamit na isolation facility sa Koronadal.
