Pinayuhan na ng Department of Agriculture (DA) ang mga mangingisda na iwasan muna ang pagpalaot partikular sa bahagi ng Cagayan Valley at mga isla sa Batanes.
Ito ay para maiwasan ang peligro na maaaring maidulot ng maalong karagatan bunsod ng Bagyong Emong sa mga bangkang maliliit ng mga mangingisda.
Maging ang mga magsasaka ay inabisuhan na rin ng ahensya na anihin na ang kanilang mga palay at mga gulay bago pa maapektuhan ng pag-ulan at malakas na hangin na dala ng bagyo.
Sa abiso pa ng kagawaran, pinalilinis na rin sa mga magsasaka ang mga daluyan ng tubig sa mga irigasyon at mga pilapil upang maiwasan ang mga pagbaha.
Base sa ulat ng PAGASA, inaasahang lalapit sa kalupaan ng Cagayan, Batanes at Babuyan Group of Island ang nasabing bagyo.