CAMARINES NORTE- Puspusan pa rin ngayon ang kampanya ng Commission on Elections sa tamang pagboto at paggamit ng Vote Counting Machine (VCM).
Marami pa rin kasi ang nalilito kahit ito na ang ikalimang beses na magdaraos ng halalan sa bansa na automated.
Sa isinagawang roadshow ng VCM sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte kahapon, ipinaalala ng Comelec sa mga botante na ingatan at huwag dumihan ang balota upang basahin ito ng makina.
Kapag “misread” ang balota apat na beses bibigyan ng pagkakataon ang botante na isalang ito sa machine.
Kapag hindi pa rin tinanggap sa ika- apat na pagkakataon ay mamarkahan itong “rejected” at pipirmahan ng lahat ng miyembro ng Electoral Board at saka ilalagay sa envelope para sa rejected ballots.
Kaugnay nito ay nagpaalala ang Comelec na ingatan ang balota at huwag itong dumihan para hindi masayang ang boto.
Ang tamang pagboto ay bilugan ng tama ang bilog ng napupusuang kandidato sa mga balota at bawal ang over vote.
Halimbawa sa mga single position ay isa lang dapat ang bilugan upang mabilang ang boto.
Pwede ang undervote sa mga multiple position.
Kung matapos na ang pag-boto ay isusubo sa VCM kung saan dito babasahin ng makina ang balota kung ito ay tama at dito na lalabas ang resibo kung saan nakalagay ang mga ibinotong kandidato.
Bawal kunan ng litrato ang balota at bawal ding ilabas ng presinto ang resibo.
