Camarines Norte pumangalawa sa may pinakamaraming kaso ng dengue sa Bicol

CAMARINES NORTE- Pumangalawa ang lalawigan ng Camarines Norte sa may pinakamaraming kaso ng dengue sa buong Bicol Region na mayroon nang 187 sunod sa Camarines Sur na may 827.

Batay ito sa datos ng Department of Health Bicol simula Enero hanggang Agosto 27 ng taong kasalukuyan na nai- report sa Philippine Integrated Disease Surveillance and Response (PIDSR)

Mula Agosto 12 hanggang 27 nakapagtala ng walong kaso ang lalawigan kumpara sa tatlo lang na kaso sa kaparehong panahon noong isang taon o 167 percent increase.

Sa hiwalay na datos mula sa Camarines Norte Provincial Health Office, nalagpasan na ang kabuuang bilang na naitala para sa buong taon ng 2021 na mayroong 154 sa loob lang ng halos walong buwan.

Pinangangambahang tataas pa ito dahil papasok pa lang ang lalawigan sa panahon ng tag ulan.

Read More:  Missing 19-year-old woman found dead in Cebu

Sa 187, pinakamarami ang naitalang kaso sa Daet na may 58 na sinusundan ng Basud na may 26, Mercedes 23, Labo 22 at Jose Panganiban 14.

Sampung kaso naman ang naitala sa Talisay at may tig siyam sa Paracale at Vinzons, San Lorenzo Ruiz lima, tig- apat sa San Vicente at tatlo sa Capalonga.

Matatandaan na noong Hulyo nang pumalo sa mahigit isang daan ang kaso ng dengue sa lalawigan ay nanawagan si Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco sa mga Munisipyo at Barangay na paigtingin ang kampanya kontra Dengue.

Hinimok noon ni Francisco ang publiko na gawin ang 4 o’clock habit, para suyurin at sirain ang posibleng tirahan ng lamok.

Read More:  Mother nabbed in drug bust, 3 children left with neighbors

Panawagan din ng DOH na sundin ang 4S strategy kontra Dengue.

Ang 4’s ay Suyurin at sirain ang pinamumugaran ng mga lamok, sarili ay protektahan laban sa lamok sa pamamagitan ng paggamit ng long-sleeves o pantalon at insect repellant, sumangguni agad sa pinakamalapit na pagamutan kapag nakaramdam ng sintomas para hindi lumala ang sakit, at suportahan ang fogging para sa mga lugar na may pagtaas na kaso upang maiwasan ang outbreak.

Ang dengue fever ay isang impeksiyon na sanhi ng virus na dinadala ng mga lamok na Aedis Aegypti.

Kabilang sa mga sintomas ng dengue ay ang pagkakaroon ng biglaang pagtaas ng lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, sakit ng kalamnan at kasu-kasuan, kawalan ng ganang kumain, pagkahilo, pagsusuka, at pamamantal ng balat.