CAMARINES NORTE- Nalagpasan ng Camarines Norte ang target nitong bakunahan kontra COVID- 19 sa katatapos lang na ikatlong round ng National Vaccination Days na ginawa noong Pebrero 10- 18.
Batay sa datos ng Department of Health sa target na 19, 623 nakapagbakuna ang lalawigan ng nasa 27, 438 o katumbas ng 140 % accomplishment.
Sa katunayan ang Camarines Norte ang may pinakamataas na accomplishment sa rehiyon.
Matatandaan na sa nakalipas na dalawang beses na pambansang bakunahan na ginawa noong huling bahagi ng 2021 ay bigo ang lalawigan na maabot ang target nito.
Pero kung pagbabatayan ang datos pang rehiyon, bigo ang Bicol Region na maabot ang target nitong bilang ng mga dapat mabakunahan.
Sa target na 218, 451 nasa 167, 499 ang nabakunahan o katumbas ng 77 %.
Kung maalala ay sinabi ni Health Undersecretary and treatment czar Leopoldo Vega na bumaba sa 10 % ang vaccine hesitancy ng mga pinoy kumpara sa 30 % sa simula ng taon.
Patuloy daw ang gobyerno sa pagawa ng paraan para mahikayat ang mga nag- aalangan pa ring magpabakuna sa pamamagitan ng house-to-house efforts at patuloy na vaccination drives.
Sa pangkalahatan ay bigo ang gobyerno na maabot ang target na limang milyon katao na mabakunahan sa ikatlong wave ng Bayanihan, Bakunahan.
