Nagpasya ang House Committee on Appropriations na muling i-defer ang termination ng budget briefing ng Office of the Vice President para sa susunod na taon.
Si House Assistant Majority Leader Jil Bongalon ang nag-mosyon para i-defer ang budget ng OVP ngunit “subject to conditions”.
Unang kondisyon ay tatapyasan ang panukalang budget ng OVP na ang orihinal ay nagkakahalaga ng 2.037 billion pesos.
Pangalawa ay iipitin ang ilang pondo hangga’t hindi ito sumasailalim sa diskusyon ng mga kongresista.
Binigyang-diin ni Bongalon na hindi pa rin nasagot ang tanong ng mga mambabatas at nakalulungkot na nagawa pang magpa-interview ni Vice President Sara Duterte ngunit pagsapit ng budget briefing ay hindi man lang sumipot.
Dagdag pa ni Bongalon, nagtayo ng sariling burukrasya si Duterte sa halip na magkaroon ng streamlined efforts.
Umaasa naman ang kongresista na hindi na pamamarisan ang pangyayari sa budget briefings sa mga susunod na taon.
MANUEL: OVP budget – dapat tapyasan!
Iminungkahi naman ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel na tapyasan na ng pondo ang Office of the Vice President sa susunod na taon.
Sa budget briefing ng OVP sa House Committee on Appropriations, napuna ng mga kongresista ang anila’y inefficient na paghawak at paggasta ng budget ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
Nais ni Manuel na tanggalin na ang 1.9 billion pesos na socioeconomic programs delivery mula sa kabuuang 2.037 billion pesos na panukalang budget sa 2025.
1.77 billion pesos mula sa tatapyasin ang Maintenance and Other Operating Expenses, 87.5 million pesos sa Personnel Services at 56.4 million pesos sa Capital Outlay.
Sakaling maaprubahan ay 128 million pesos na lang ang tatanggapin ng OVP sa susunod na taon.
Iginiit ni Manuel na aktwal na naranasan ang hindi epektibong paggugol sa pondo at mismanagement sa mga programa gaya ng PagbaBago campaign at Mag-Negosyo Ta Day samantalang kung confidential funds ang pag-uusapan ay napakabilis gamitin.
Napatunayan din aniya na hindi seryoso ang OVP sa paghahatid ng serbisyo dahil sa hindi pagsagot sa mga tanong at pagdalo sa budget briefing.
Dagdag pa ng kongresista, mas makabubuting dumeretso na sa concerned government agencies ang mga benepisiyaryo lalo’t iilan lang umano ang nakikinabang sa OVP programs.