Nabulabog ang mga residente ng Brgy. Zapote 3 sa Bacoor, Cavite matapos tupukin ng sunog ang ilang kabahayan.
Sa impormasyon mula sa Bureau of Fire Protection, mag-aalas dose kaninang tanghali nang sumiklab ang sunog.
Dahil sa malakas ang hangin at pawang gawa sa light materials ang mga bahay ay mabilis na kumalat ang apoy.
Umabot pa ng ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula.
Sa tala ng BFP, isa ang patay; habang isa ang sugatan sa nangyaring insidente.
Samantala, lumabas sa ilang kuwento mula sa kapitan na posibleng nagmula ang sunog sa away-mag-asawa.
Bagamat kinukumpirma pa ito, mayroon daw silang natanggap na ulat na nag-away ang isang mag-asawa kaya ang lalaki ay naghagis daw ng apoy sa kanilang bahay.
Mayroon ding isang lalaki na sugatan matapos kuyugin ng ilang residente dahil pinaghihinalaan itong pinagmulan ng sunog.
Sa ngayon ay apektado na ang daloy ng trapiko mula sa CAVITEX pa-exit ng Bacoor/ Las Piñas.