BU, nagpasalamat sa pagkakabilang sa 12 SUCs para sa full-time scholarship for med students; iba pang benepisyong hatid, inilatag

LEGAZPI CITY – Nagpahayag ng pagpapasalamat ang Bicol University partikular ang College of Medicine sa pagkakabilang nito sa 12 state universities and colleges (SUCs) na napili ng Commission on Higher Education (CHED) upang tumanggap ng medicine students na aavail sa full-time scholarship sa ilalim ng ‘Doktor Para sa Bayan Law Medical Scholarship Return Service Program’.

Matatandaan, una nang inanunsyo na nasa 143 first year med students ang kumpirmadong mga benepisyaryo ng nasabing scholarship.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Dr. Ofelia Samar-Sy, sinabi niya na maliban sa tuition, miscellaneous at internship fees, sagot din ng scholarship ang iba pang benepisyo tulad ng clothing allowance, food, pati na rin ang titirhan, transportasyon at mga librong kailangan.

Lahat ng ito ay maeenjoy ng bawat benepisyaryo kada semestre sa loob ng 5 taon.

Aniya, wala itong maintaining grade basta’t nag-qualify o pumasa.

Ang pamantasan umano ang mismong pipili sa mga mag-aaral na maging benepisyaro dahil ito ang nakapalaman sa guidelines ng komisyon.

Samantala, ayon kay Sy, lahat ay maaaring tanggapin anuman ang kanilang financial status, dahil hindi na tinitignan dito kung mahirap o mayaman ang isang mag-aaral. Sa halip, tatanggapin ang mga nais mag-avail nito at bukas para sa “return service”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *