BSKE candidates sa Libon, Albay, hindi palalagpasin sa curfew kasunod ng idineklarang COMELEC control sa bayan

LEGAZPI CITY – Walang makakalusot kahit pa ang mga nangangampanyang kandidato ng Barangay at SK Elections sa ipatutupad na curfew sa bayan ng Libon, Albay kasunod ng pagsailalim dito sa COMELEC control.

Ito ang tiniyak ni Libon PNP Chief of Police PCapt. Victor Borjal sa Brigada News FM Legazpi. Una nang kinumpirma ng COMELEC Albay na magiging epektibo ang curfew sa Sabado, Oktubre 28 na huling araw din ng campaign period at magtatapos sa Nobyembre 10.

Sa nasabing peryodo, magiging epektibo ito pagpatak ng alas 10 ng gabi hanggang alas 4 ng madaling araw.

Read More:  8 goats found dead with bite marks in Antique

Sa panayam kay Borjal, sinabi niya na hindi sila magdadalawang-isip na huhulihin at hindi palalagpasin kung mayroon silang makitang mga kandidato na nasa labas pa at nangangampanya pa habang nasa curfew hours.

Kahit pa umano mga incumbent barangay officials at mga empleyado ng lokal na pamahalaan ay hindi rin makalulusot dahil ipinagbabawal ito sa ilalim ng COMELEC control.

Read More:  DOH-XII records 277 new HIV cases in first quarter of 2026

Subalit, ayon din kay Borjal, ang curfew ay mayroon namang mga exemptions lalo na para sa mga nagtitinda ng gulay o karne, at iba pa basta mayroong valid na dahilan.

Matatandaan, Oktubre 23 nang ideklara ng COMELEC en banc na isinasailalim ang Libon sa COMELEC control dahil sa nairehistrong election-related incident at serye ng pagpatay sa ilang mga incumbent barangay officials bago ang filing of COCs.

Layunin nitong protektahan ang mga kandidato, botante at mga residente at panatilihin ang kaayusan at seguridad sa lugar sa election period.